GEC, ginunita ang UP Day of Remembrance sa Ika-anim na LINANGAN 2024 Webinar

Noong ika-20 ng Setyembre 2024, idinaos ng General Education Center (GEC) ang ika-anim nitong LINANGAN 2024 Webinar na pinamagatang “Rebisyonismo, Ngayon at Dati: Disimpormasyon at Lipunang Pilipino” bilang paggunita sa UP Day of Remembrance na naglalayong kilalanin ang mga kasapi ng komunidad ng UP na nanguna sa pakikibaka laban sa Batas Militar. Tinalakay sa sesyon ang epekto ng Batas Militar sa larangan ng edukasyon, partikular sa mga isyu na may kinalaman sa disinformation at historical revisionism. Ang mga diskusyong tinampok sa webinar ay nakabatay sa lente ng pedagohiya ng mga kursong GE na Socio 10 (Being a Filipino: A Sociological Exploration) at PS 21 (Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas).

Upang pormal na simulan ang programa ay nagbigay ng paunang pagbati at mensahe si Kat. Prop. Yhna Therese Santos, na siya ring Quality Assurance Officer ng Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon. Bukod sa pagbibigay ng pangkalahatang ideya ukol sa magiging daloy ng programa at talakayan, binigyang-diin din ni Kat. Prop. Santos ang mga hamon at panganib na dulot ng information disorder na mayroong tatlong kategorya: misinformation, disinformation, at malinformation. Pinalawig at pinunto rin niya ang kahalagahan ng edukasyon, partikular na ang media and information literacy (MIL), upang mahasa ang kritikal na pagsusuri sa mga impormasyong makukuha mula sa iba’t-ibang midya.

Ang unang bahagi ng talakayan ay pinangunahan ni Bb. Athena Charanne “Ash” Presto, isang Senior Lecturer mula sa Departamento ng Sosyolohiya, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, na nagbahagi ng kanyang mga kasanayan sa pagtuturo ng Socio 10. Bilang isang Ilokanang may walong taong karanasan na sa pagtuturo ng naturang kurso, sinalaysay niya ang kahalagahan ng sari-saring pinanggagalingan ng bawat mag-aaral na kanyang tinuruan upang magkaroon ng talakayang malapit sa nararanasan ng lahat. Dito ay hinandog  niya sa lahat ang hamon ng pagtatag ng isang silid-aralang nagbubuklod sa bawat isa at nagbibigay ng kalayaan upang talakayin ang mga konseptong politikal na sumasaklaw sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Naglahad din siya ng mga kaparaanan sa pagpapalalim ng pag-unawa sa iba’t-ibang danas ng mga mag-aaral at pagpapadaloy ng mapangkalahok na diskusyon upang isaalang-alang ang iba’t ibang politikal na pananaw, katayuan, at paniniwala sa kritikal na pagtuturo ng  Batas Militar at katangkay na disimpormasyon hinggil dito.

Matapos ang maikling pahinga sa programa, pinangunahan naman ni Prop. Nancy Kimuell-Gabriel, mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, ang ikalawang bahagi ng sesyon ng LINANGAN. Nagsimula kanyang presentasyon sa maikling paglalahad ng mga pangunahing nilalaman ng PS 21 bilang isang kursong GE at mga estratehiyang kanyang ginagamit sa pagtuturo ng mga konsepto tulad ng historical denialism at historical distortion. Mula rito, binigyang-diin niya ang pagtalakay ng historical revisionism sa konteksto ng Batas Militar na kanyang binalangkas bilang isang malagim na yugtong hitik sa mga pagtatangkang baluktutin ang kasaysayan ng bansa na nangyayari pa rin magpahanggang-ngayon. Sinundan agad ito ni Prop. Kimuell-Gabriel ng pagbabahagi ng mga obhetibong datos bilang pagwawasto sa mga hinalimbawa niyang maling impormasyong karaniwang iniuugnay sa Batas Militar. Bukod pa rito, inilahad din niya ang mga disbentaheng dulot ng historical revisionism sa lipunan at ang kahalagahan ng pagtugon sa isyu ng disimpormasyon sa pamamagitan ng kritikal na pagsusuri sa bawat piraso ng kaalaman at pinagmulan nito.

Pagkatapos ng presentasyon ni Prop. Kimuell-Gabriel, dumako na sa malayang talakayan ang sesyon na pinangunahan ni Bb. Rose Angelie Hernandez, Instruktor mula sa Kagawaran ng Aralin at Sining, Kolehiyo ng Arte at Literatura. Kabilang sa mga mahahalagang punto na tinalakay sa malayang talakayan ang mas malawak na implikasyon ng disimpormasyon sa kalagayan ng demokrasya at pamamahala ng gobyerno sa ating bansa. Pinagtuunan din ng mga tagapagsalita ang dulot ng pagkakabaluktot ng kaalaman sa iba’t-ibang konteksto – mula sa kalakhang lipunan hanggang sa mga personal na relasyon. Gayunpaman, nilinaw din nila na nananatiling isang pagsubok ang pagtukoy at pag-unawa sa lalim at saklaw ng impluwensiya ng disimpormasyon sa iba’t ibang antas ng lipunan. Dagdag pa rito, mariing pinag-usapan sa talakayan ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa  kakulangan sa edukasyon at kasanayan sa panig ng mga guro upang maging matagumpay ang pagwawasto ng disimpormasyon mula sa mababang paaralan hanggang senior high school. Ilan sa mga puntong nabanggit ukol dito ay ang kasalatan ng mga materyales sa pagtuturo at pagkakataon upang makapagtaguyod ng malayang diskusyon hinggil sa disimpormasyon at Batas Militar.

Marami pang mahahalagang isyu ang tatalakayin sa mga susunod na LINANGAN 2024 webinar. Upang makapag-rehistro sa mga darating na webinar, mangyari lamang na mag-sign up ang lahat sa link na ito. Maaari namang balikan at mapanood ang mga nagdaan at natapos na sesyon ng LINANGAN sa YouTube channel ng GEC.