Sa pagdiriwang ng ika-37 Anibersaryo ng EDSA People’s Power Revolution, nangangailangan ng patuloy na pagsariwa ng mga naganap sa ilalim ng Batas Militar at ang epekto nito sa bansa. Kaya naman, isang malaking tulong para sa mga guro at estudyante ang Aklat-Palihan na pinamagatang PS 21: Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar (2021) na inilathala ng PS 21 Cluster at Sentro ng Wikang Filipino (SWF). Ayon kay Dr. Nancy Kimuell-Gabriel, ang project leader ng Palihan,
Tinataguyod po natin ang pangangailangang magsuri nang lubos at matututo sa ating karanasan upang hindi na muling maulit ang pagkakamali at pinsalang naidulot nang marahas na paghahari ng diktadurang Marcos. Isinususog po rito na walang katapusan ang laban para sa katotohanan at katarungan, laban sa mali, sa masama, sa marahas, at di-makataong paraan ng pagpapatakbo ng bayan.
Ang Aklat-Palihan ay bunga ng mga serye ng lektura at talakayan tungkol sa mga paksang may kaugnayan sa Batas Militar. Binubuo ito ng mga artikulo mula sa mga primary source at/o subject-expert, na may malalim na kaalaman at karanasan sa Batas Militar, at/o masinsing pananaliksik dito. Ang mga temang makikita sa aklat ay ang kasaysayan; kalagayang pang-ekonomiya ng bansa; mass media; sining; kababaihan; rehiyonal na danas; at pakikibakang-bayan sa panahon ng Batas Militar. Kasama rin sa aklat ang mga karanasan sa pagtuturo ng kursong Philippine Studies 21 (PS 21) mula sa UP Diliman, UP Los Baños at UP Cebu. Pinamatnugutan ito nina Dr. Nancy Kimuell-Gabriel at Dr. Michael Andrada. Libreng ma-aakses ang aklat sa SWF Aklatang-Bayan online.
Naging posible ang Aklat-Palihan dahil sa Palihan sa PS 21, ang linggo-linggong pingkiang ginanap online mula Setyembre hanggang Disyembre 2021 para sa mga guro at interesadong magtuturo ng kursong PS 21. Nagkaroon ng tatlong bahagi ang Palihan. Ang unang bahagi ay pagbabahagi ng mga karanasan sa pagtuturo ng PS 21. Samantala, ang pangalawang bahagi naman ay 23 lektura at mga talakayan tungkol sa iba’t-ibang paksa. Ang ikatlong bahagi naman ng Palihan ay bahaginan sa mga pamamaraan ng pagtuturo ng PS 21.
Hindi lamang ang aklat ang naging bunga ng Palihan. Sa tulong ng TVUP na pinangunahan ni Dr. Grace Javier Alfonso, ang lahat ng recording ng 23 lektura ay isinaayos at inilagay sa TVUP YouTube channel para mapanood ng lahat. Mapapanood ito nang walang bayad. Ang bidyo ng 23 lektura ay nagsisilbing mga pantulong na materyales para sa pagtuturo ng Batas Militar.
Naging posible ang Palihan sa pagtutulungan ng PS 21 Cluster na binubuo nina Dr. Nancy Kimuell-Gabriel, Karlo Mikhail Mongaya at Dr. Pauline Hernando (UP Diliman); Dr. Roderick Javar at Dr. Laurence Marvin Castillo (UP Los Baños); at Dr. Marie Rose Arong (UP Cebu). Kasama din sina Kenrick Buduan at Jerome Cruz (General Education Center) bilang mga project assistant ng proyekto. Pinondohan ang Palihan sa pamamagitan ng Hasaan: General Education Program Enhancement ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA).