Nagwagi ang Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA) Gender and Development Committee (GAD) ng unang gantimpala sa kauna-unahang Gawad Kasarian na isinagawa noong ika-30 ng Marso, 2021.
Kasama ang Komite sa mga nakatanggap ng gantimpala na kumikilala sa mga gawain at programa upang maisulong ang gender equality sa mga yunit at opisina ng UP Diliman. Ang iba pang komite na nakakuha ng gantimpala ay ang UPD Office of Anti-Sexual Harrasment (Gawad Kasarian Natatanging Opisina) at UPD National Institute for Science and Mathematics Education Development (Gawad Kasarian Natatanging Pagkilala).
Nakamit naman ng University Library (UL) GAD Committee ang prestihiyosong Gawad Kasarian. Ito ay pagkilala sa mga nagawa ng komite kabilang na ang pagkakaroon ng “child minding room,” na isa sa mga kauna-unahan sa buong UP Diliman.
Samantala, ang nakamit na unang gantimpala ng OVCAA GAD Committee ay kumikilala sa mga gawain at panuntunan na naisakatuparan ng komite upang maipalaganap ang gender equality sa lahat ng opisina ng OVCAA. Pinangungunahan ang Komite ng isa sa mga empleyado ng General Education Center (GEC) na si Czarina Duka.
“Inaalay po namin ang karangalang ito sa mga taong patuloy na nakararanas ng diskriminasyon at karasahang batay sa kasarian. Nawa’y mas lumawak at lumalim pa ang ating pagpapahalaga sa Gender and Development. Laban UP! Laban GAD!”, ani ni Czar sa pagtanggap ng karangalan.
Ang lahat ng mga nagantimpalaan ay nakatanggap ng sertipiko at tropeo. Ang tropeo ay may disenyo na pinukaw mula kay Lakapati, ang diyos ng masaganang ani ng mga Tagalog.
Nabuo ang konsepto ng Gawad Kasarian noong 2018 upang bigyang pagkilala ang mga natatanging yunit, opisina, at kolehiyo ng UP Diliman sa kanilang gawain na maipalaganap ang mga iba’t-ibang gender and development programs. Para sa taong ito, ginanap ang Gawad sa isang kumperensiya sa Zoom at pinangunahan ng mga propesor ng College of Arts and Letters (CAL).