Nakamit ng Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA) GAD Committee ang Gawad Kasarian 2022. Ito ay bilang pagkilala sa mga naipatupad na aktibidad at proyekto ng OVCAA katulad ng Kalusugan ng Kalalakihan at Gender Fair Communication webinar, pati na rin ang needs assessment research project. Ibinigay ang parangal sa isang birtwal na seremonya na isinagawa ng UP Diliman Gender Office (DGO) noong Marso 31, 2022.
Sa isang maiksing video, itinampok ni Kris Tarca — ang pinuno ng komite — ang pakikiisa ng OVCAA GAD Committee sa mga adbokasiya ng DGO katulad ng Women’s Month at Pride Month. Nabanggit rin ang partisipasyon ng komite sa pagbuo ng Protocol for Gender-Based Violence Prevention and Response na inilunsad nito lamang nakaraang taon.
“Ang tagumpay at pagkilala pong ito ay overwhelming para sa pakiramdam, kung tutuusin. Ngunit, sa kabila noo’y magsisilbi po itong inspirasyon para sa aming lahat na ipagpapatuloy ang pagsulong ng sound and needs-based projects ng OVCAA GAD Committee na makasipat lagi’t-lagi sa malaya at mapagpalayang lipunang malayo sa misimpormasyon at iba’t-ibang porma ng diskriminasyon at karahasang sekswal na base sa kasarian,” ani Kris, sa pagtanggap ng Gawad Kasarian 2022.
Ang OVCAA GAD Committee ay binubuo nina Czarina Duka, Adel Intervalo, Kenrick Buduan, Aura Carbonilla, Carina Merin, Carlos Noel Gacutan, Catherine Joie Tagaban, Dee Dela Cruz, Gabbie Caburnay, Jessica Pagaduan, at Hassey Lyn Trinidad. Tumanggap ng tropeo at plake ang OVCAA GAD Committee. Ang tropeo ay may disenyong tampok si Lakapati, ang diyos ng masaganang ani.
Bukod sa Gawad Kasarian, nagbigay pa ng limang parangal ang DGO. Pinarangalan ng natatanging indibidwal si Kerima Lorena Tariman, isang makata at rebolusyonaryo. Iginawad naman ang parangal na natatanging institusyon sa UP School of Statistics. Samantala, nakuha naman ng University Student Council (USC) ang parangal sa natatanging student organization. Pareho ring nakuha ng USC at School of Statistics ang parangal para sa breakthrough activity.
Ang Gawad Kasarian ay kumikilala sa mga natatanging GAD Committee ng pamantasan na nagsagawa ng iba’t-ibang adbokasiya at proyekto para sa pagkapantay-pantay ng lahat ng kasarian. Ito ay sinimulan noong 2021, at nakataon sa pagtatapos ng Buwan ng Kababaihan. Noong nakaraang taon din, natanggap ng OVCAA GAD Committee ang unang gantimpala para sa nasimulang proyekto sa pamumuno naman ni Czarina Duka.
Ang lahat ng poster ay mula sa UP DGO at may pahintulot sa paggamit.