Magandang umaga sa inyong lahat!
Ang buwan ng Agosto ay Buwan ng Wika. Nasa kamalayan at praktika na ng iba’t ibang paaralan at ahensya ng pamahalaan ang pagdiriwang na ito, kahit kung tutuusin, ang wika natin ay pambuong panahon. Wika ang humuhulma sa ating pagkatao at pagkamamamayan. Ito ang pinakamabisang tagapagpaalala kung sino tayo at ano ang ating mga pinagdaanan. Ito rin ang makapangyarihang tagapagbuklod ng ating mga damdamin at kamalayan, tagapagpalakas ng ating pagkakaisa at adhika na sa tuwina’y maglingkod sa sambayanang Pilipino, hindi sa dayuhan; sa nakararaming masang Pilipino, hindi sa isa iilan. Ang isang malayang bansa ay isang bansang nagsasalita sa sariling wika. May dangal sa sariling kakanyahan, hindi namamanginoon sa ibang wika at lipunan.
Bilang unibersidad, marami na tayong natamo sa pagsusulong ng pambansang wika. Subalit marami pa tayong natutukoy na mga suliranin sa pagpapalakas nito. Mayroon tayong patakarang pangwika mula 1989 na gamitin ang Filipino sa pagtuturo, pananaliksik, serbisyo publiko, administrasyon, komunikasyon at mga pormularyo sa opisina. Ano ang inabot na antas ng paggamit ng Filipino sa ating Unibersidad? Pamilyar ba ang mga nakababatang guro sa patakarang ito? Buhay pa ba ang mga Komite sa Wika ng bawat Kolehiyo na inaasahan nating magpapasigla ng gawaing pagtuturo at pananaliksik at paglikha ng mga kagamitang panturo? Napapanahon na, na ito’y ating tasahin. Huminto sandali, at magmuni-muni. Nalilimutan ba natin ang tungkuling ito? Walang ibang gagawa nito para sa atin kundi tayo rin. Tayo rin ang magpaplano at magpapataas ng istatus at gamit ng wikang Filipino sa Unibersidad. At alalahanin natin, bilang isang pambansang unibersidad, nakatingin ang maraming unibersidad at paaralan sa atin.
Kaakibat ng pagtatanggol natin sa kalayaang pang-akademiko at kritikal na pag-iisip, ay ang marubdob na paninindigan natin para sa wikang Filipino. Hindi tayo pumapayag sa anumang hakbang na magpapahina sa kalagayan ng sarili nating wika. Kailangan nating wasakin ang hindi pantay na pagtingin sa bisa ng wikang Filipino, wikang Ingles, at iba pang wika sa Pilipinas sa pamumuhay ng mga Pilipino. Mahalaga ang pambansang wika at iba pang wika sa Pilipinas sa pagpapaabot ng kaalaman sa mamamayang Pilipino lalo na sa nararanasan nating pandemya sa Covid 19 at mga kalamidad. Gayundin sa pagwawasto sa mga binabaluktot sa kasaysayan, at paglaban sa mga pekeng balita, tahasang panloloko at panlilinlang gamit sa social media. Kasangkapan din ang pambansang wika sa paghuhugas ng mga kamalayang kolonyal at mararahas, at pagdamdam sa karangalan at kapayapaan ng ating lahi.
Hayaan ninyong ipakilala ko ang temang aangklahan natin sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ito ay ang PAGHINUN-ANON. Ang salitang ito ay nangangahulugan ng TALAKAYAN sa wikang Filipino. Mula sa wikang Hiligaynon ang paghinun-anon ay katumbas ng pagtatanong, konsultasyon, at palitan ng ideya. Tumutukoy din ito sa pagmumuni-muni, pangongolekta ng impormasyon at kabuoang pag-unawa. May ipinahihiwatig na aksiyon ang salitang ito sa dalawang antas. Una’y pampersonal, nakasentro sa proseso ng pag-iisip ng indibwal na pumapalibot sa kanyang pag-iral. Ikalawa’y panlipunan, na tumutukoy sa proseso ng paglapit, pakikipagtalastasan, pakikitungo, pakikipagkapwa, hanggang sa pakikisangkot. Hindi lamang umiikot ang salitang paghinun-anon sa intelektwal na pakikipagdiskurso, motibo rin nito ang pangangailangang makabuo ng tiyak na sagot, o solusyon, para sa mga suliraning kinakaharap sa kasalukuyan. Gaya ng talab at esensiya ng anomang wika, praktikal na mailapat ang konsepto at usapin ng Filipino, sa pang-araw-araw na danas at pangangailangan ng Pilipinong komunidad.
Ngayong buwan, inihanay ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ang mga aktibidad gaya ng Jesus Fer. Ramos Seryeng Panayam. Pakinggan ang mga pamagat ng papel na ibabahagi sa seryeng panayam: “Pagpaplano at Patakarang Pangwika sa Timog Silangang Asya: Kaso ng Cambodia, Vietnam, Thailand, at Pilipinas;”/ “Pinulongang Sugbuanon: Ilang Tala sa Pagtuturo ng Wikang Cebuano sa UP Diliman;”/ “KUMUSTA (PO) KA(YO)? Mga Danas sa Pagtuturo ng Wikang Filipino sa mga Di-Taal na Mananalita”;/ At ang “Ang Papel ng Pagsasalin sa Wikang Filipino Bilang Wikang Pambansa at Wikang Panturo.”
Isasagawa rin ang Diskurso sa Wika at Lipunan, ang “Talak sa Talakayan: Mga Usapin sa Ugnayan ng Wika at Lipunang Filipino”. Ibabahagi ng mga mag-aaral ang kanilang pananaliksik hinggil sa pagsulong ng wikang Filipino bilang wikang panturo;/ Ang kahalagahan ng wika sa usapin ng pangkalusugan at sa konteksto ng pandemya;/ Ang mungkahi ng isang senador na isalin sa wikang Filipino ang mga batas ng bansa;/ At ang pagbabago ng wikang Filipino bunsod ng social media. Isipin ninyo, kung gaano magiging maalam sa batas ang karaniwang mamamayan kung ito ay nasa sariling wika. At kung paanong epektibong magagamit ang wikang Filipino sa pagtitiyak ng impormasyon.
Ilan lamang ito sa kagyat na mababanggit, subalit asahan na pambuong panahon ang mga aktibidad na ihahain ng ating Unibersidad. Hinihikayat ko ang bawat Kolehiyo at Unit na palakasin ang gamit ng wika sa pagtuturo, pananaliksik, serbisyo, administrasyon at sa ating interaksyon. Ipakita natin na tayo ay malaya, mahusay at may dangal. Isabuhay palagi ang wikang Filipino.
#SulongWikangFilipino
#WikangFilipinoIpaglaban
Unang ipinalabas ang mensaheng ito sa seremonya ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas noong Agosto 1, 2022.
Maaaring mapanood ito kasama ang buong seremonya sa Facebook page ng UP Diliman.