Inilunsad noong Setyembre 6 ang extension program ng General Education Center sa pamamagitan ng LINANGAN: General Education Faculty Development Extension Project. Ang unang webinar ay ang “Teach Talk: How to Teach and Manage your Gen Z class (Kasaysayan ng Pilipinas Edition)” na dinaluhan ng 522 na kalahok mula sa iba’t ibang UP constituent universities (CUs), state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at higher education institutions (HEIs) sa buong Pilipinas. Sina Prof. Neil Martial R. Santillan, Ph.D. at Assist. Prof. Jely A. Galang, Ph.D., mula sa Departamento ng Kasaysayan, UP Diliman, ang naging mga tagapagsalita sa nasabing webinar. Ang Kasaysayan ng Pilipinas Edition ay una sa 10 serye ng webinar na tatakbo mula Setyembre 2021 hanggang Hulyo 2022. Ginanap ang webinar via Zoom at matutunghayan din sa Facebook at YouTube.
Pinasinayaan ni Tsanselor Fidel R. Nemenzo, D.Sc. ang LINANGAN kung saan ipinayahag niya sa kanyang pambungad na mensahe na isa sa mga mandato ng UP ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko, na tinatawag ding “extension service”. Ika n’ya, ang mandatong ito ang gumagabay sa papel ng Unibersidad sa sambayanan. Kaya naman, tumutulong ang Unibersidad sa iba’t-ibang SUCs, LUCs, at HEIs sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pagbabahagi ng kaalaman at pananaliksik — katulad na lamang ng LINANGAN webinar. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng masinop at kritikal na pagtuturo ng kasaysayan, at ang kahalagahan ng pagtuturo ng konteksto ng mga pangyayari sa nakalipas at ang koneksyon ng mga ito sa kasalukuyan.
Tignan ang pambungad na mensahe ni Tsanselor Fidel Nemenzo, D.Sci.
Ibinahagi naman ng Bise-Tsanselor para sa Gawaing Akademiko ng UP Diliman, Prof. Ma. Theresa T. Payongayong, Ph.D., ang Industry 4.0 para sa mga estudyante, at kung paano sila maihahanda sa nagbabagong panahon at makabagong teknolohiya. Tinukoy ni Bise-Tsanselor Payongayong ang 10 kasanayan para maihanda ang mga estudyante sa hinaharap. Binigyan-diin din niya ang kahalagahan ng soft skills sa paglinang ng kasanayan ng mga estudyante na maiuugnay sa webinar.
Tignan ang buong mensahe ni Bise-Tsanselor Ma. Theresa Payongayong, Ph.D.
Ang unang tagapagsalita ay ang Tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan, Prof. Neil Santillan, para sa kanyang danas at aral sa pagtuturo ng Kontemporaryong Kasaysayan ng Pilipinas sa konteksto ng remote learning. Ibinahagi niya ang personal na pagsasanay na ginawa upang matutunan ang iba’t ibang digital platforms at tamang pagbabalanse ng oras. Binigyang-diin niya ang halaga ng pag-alam sa tuwina ng konteksto ng mga estudyante, at ang paglilinaw ng mga batayang konsepto ng neokolonyalismo, ikatlong republika, diktadura, at kapangyarihang bayan.
Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng paglalagom sa bawat gawain at mga pangkatang-gawain at binigyang-halimbawa ito ng pagpapagawa niya ng poster para sa kampanya ng isang pangulo mula sa Ikatlong Republika hanggang sa panahon ng diktadurang Marcos. Tinalakay din ang kahalagahan ng pagbubuo at pagpapayabong ng gender-neutral language sa mga diskusyon.
Ibinahagi naman ni Assist. Prof. Jely Galang ang kanyang karanasan sa pagtuturo ng KAS 1 sa konteksto ng remote learning set-up sa pamamagitan ng pagpapakilala ng katangian ng KAS 1 bilang GE course sa UP Diliman, na huhubog sa kritikal at malikhaing pag-iisip, pagiging makatao at makabayan, at pagkakaroon ng identidad bilang Pilipino at obligasyon sa bayan.
Para sa remote learning, tinalakay niya ang paghahanda ng course pack para sa isang semestre, kung saan nakalagay na ang mga paksa, learning materials, kalendaryo ng mga klase, learning management system na gagamitin tulad ng UVle at Google Classroom, at ang Google Drive kung saan niya ina-upload ang mga materyales na pag-aaralan. Nagsasagawa siya ng asynchronous sessions para magbasa at mag-aral ang mga estudyante, synchronous sessions upang linawin ang mga binasa at pinakinggan, at sagutin ang mga katanungan ng mga estudyante. Ani ni Assist. Prof. Galang, hindi lamang pagtuturo ang tungkulin ng mga guro, sila na rin ay curator ng mga materyales na gagamitin sa pagtuturo.
Sa kanyang presentasyon, binigyang-diin ang pagkakaroon ng “flexibility” at “compassion” ng kaguruan sa kanilang estudyante. Aniya, kailangang maging malikhain sa pagsusuri at mahalaga ang pagkonsulta sa mga estudyante upang malaman kung anong paraan ng pagsusuri ang makakatulong sa kanila. Pumili rin siya ng mahahalagang paksang tatalakayin dahil na rin sa mas pinaikling semestre at mga kalamidad na nangyari. Bilang pagtatapos, sinabi niya na bagamat mapanghamon ang pagtuturo ng Kasaysayan sa konteksto ng remote learning, mayroon namang mga oportunidad para sa pagpapaunlad ng pagtuturo katulad na lamang nitong webinar.
Kasunod ng presentasyon ng mga tagapagsalita ang malayang talakayan na pinadaloy ng Direktor ng GEC na si Assoc. Prof. Nancy A. Kimuell-Gabriel, Ph.D. Sa mismong talakayan, Idiniin ang pagiging bukas ng mga guro sa pagbabago at pagiging malikhain sa kanilang mga course packs at syllabus, lalo na sa panahon ng pandemya.
Kinakailangan din masinsin at malikhaing piliin ang mga sangguniang ibibigay sa mga estudyante. Nabanggit sa talakayan na mas hilig ng mga estudyante ngayon ang mga biswal na materyales katulad ng online videos. Nasang-ayunan din na dapat matibay ang mga batayan sa pagtuturo ng Kasaysayan para hindi mapariwa ang mga estudyante lalo na’t talamak ang historical revisionism sa panahon ngayon. Ilan sa mga mapagkukunan ng materyales na binanggit ay ang mga sumusunod:
- NCCA-NCHR’s Philippine History Source Book
- Official Gazette
- Project Gutenberg
- Archive.org
- University of Pennyslvania
- Martial Law Museum
- The Freedom Memorial Museum (HRVVMC)
- UPD History Website
Nabanggit din ang konsepto ng “fair use” sa talakayan. Minungkahi ni Prof. Santillan ang pagsasama ng mga babala sa course packs kung gagamit ng mga materyales na may copyright. Kung nakuha naman online ang mga materyales na nasa public domain, ugaliing isama ang link kung saan ito nakuha.
Sa usapin tungkol sa attendance sa klase, binigyang-linaw ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng pagbibigay ng konsiderasyon at pag-unawa sa mga estudyante. Buhat ng mahina o kawalan ng internet connection, at kasabay ng kaliwa’t kanang unos sa Pilipinas, kailangang lalong magsikap ang mga guro upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante.
Nagtapos ang malayang talakayan sa isang mahalagang tanong: paano mapananatili ang kalidad ng edukasyon sa gitna ng pandemya at mga kalakip na hamon ng online learning? Idiniin ni Assist. Prof. Galang na pare-pareho ang mga guro — taga-UP man o hindi — na sinusubukang makasabay at masanay sa bagong paraan ng pagtuturo.
Sa paglalagom, binanggit ni Assoc. Prof. Kimuell-Gabriel ng buong webinar, ang isang problemang kinahaharap ng mga estudyante at guro ngayon: ang kawalan ng angkop na espasyo at mga kagamitan para sa pag-aaral at pagtuturo. Aniya, isa pang problema ang pagdadala ng “classroom” sa loob ng tahanan na may iba ring dynamics kung kaya nakakapag-anak din ng mga bagong suliraning pangkasarian at pampamilya. Sa huli, diniin ang punto na ang mga webinar katulad nito ay upang iparating sa mga kaguruan na hindi sila nag-iisa sa gitna ng pandemya, at may iba’t-ibang oportunidad na bukas sa kanilang pagpapayabong.
Maaaring mapanood ang buong webinar sa YouTube.