“Insensitivities are so deeply embedded in our consciousness and practice, we take it as natural…These are products of a society which already internalized patriarchal values and norms which form us to be discriminating to others, to embrace sexism and misogynist attitude and behavior.”
Hango ang sipi na ito sa mensaheng ibinahagi ni Dr. Nancy A. Kimuell-Gabriel o Ma’am Nak sa Gender Sensitivity Orientation o GSO4Freshies para sa Arts & Letters, Social Sciences at Law clusters na ginanap noong Marso 7, 2022. Pinangunahan ng Diliman Gender Office (DGO) ang pagbibigay ng oryentasyong tungkol sa kasarian para sa mga bagong iskolar ng bayan.
Angkop ang mensahe ni Ma’am Nak sa tema ng pagdiriwang ng International Women’s Day na Break the Bias. Dahil nakaugat na sa lipunan ang diskriminasyon lalo na sa mga kababaihan at miyembro ng LGBTQIA+, ayon kay Ma’am Nak, kinakailangang magsupling ng kontrakulturang pag-iisip at pagpapasya upang kolektibong mareporma ang sistema at mga kabahagi nito.
Susi ang isang edukasyong transpormatibo upang makamit ang mithiing ito. Binalikan nga ni Ma’am Nak ang kanyang Facebook post nung 2015 kung saan inilahad niya ang gusto niyang makitang katangian ng gradweyt ng UP: mga espesyalistang tao, hindi robot; makatao at marunong makipagkapwa-tao, hindi masiba at bastos, kritikal at mapanlikha mag-isip at hindi makitid at makaisang-panig, marunong makipag-usap ngunit marunong ding umawit, mag-drawing, o magpatawa. “Ito ang keri kong GE education,” ika niya. Ito rin nga ang nais linangin ng Unibersidad na mga iskolar ng bayan sa pamamagitan ng general education (GE) program.
Sa GE program, tinuturuan ang mga estudyante, una, kung paano mag-isip. Malawak, mapanuri, at dapat mapanlikha. Hindi basta-basta tinatanggap ang nakukuhang impormasyon kundi nagsasaliksik. Halimbawa, paano naging laganap ang seksismo sa wika man, sining, ekonomiya, at batas. Ang mga salita, kategorya, at ekspresyon ba ay nagpapaliit ng pagkatao sa isang kasarian? May mga sining ba na nagpapalusot sa mga karahasang sekswal sa lipunan? Nagkakaroon ba ng komodipikasyon ng katawan ng kababaihan? Bakit sa kabila ng maraming batas ay parang kulang pa rin? Paano magiging bahagi ang usapin ng kasarian sa pormasyon ng mga isyu at suliranin ng lipunan natin ngayon?
Ilan lamang ito sa mga tanong na ibinahagi ni Ma’am Nak sa mga estudyante ng CAL, CSSP, at Law upang mapukaw ang kanilang pag-iisip tungkol sa mga isyung pangkasarian. Ngunit hindi nagtatapos sa pag-iisip. Upang mahubog ang mga iskolar ng bayan na maging malaya at mapagpalaya, “Kailangang masusing pag-aralan at kung napag-aralan na, kumilos para baguhin ang kalagayan. Ito palagi ang hamon sa mga iskolar at artista ng bayan,” imbitasyon ni Ma’am Nak. Inanyayahan niya ang mga estudyante na kumilos upang mapabuti ang komunidad, bansa, at buong daigdig nang may malakas na diwa ng kultura at kasaysayang makatao, at may pagpapahalaga sa pantay na karapatan at katarungan para sa lahat.
Bilang pangwakas, pinaalala ni Ma’am Nak ang karanasan ng Pilipinas sa pamumuno ng isang presidenteng kumakatawan sa seksismo at misogyny. Ani niya, “ito mismo ang ayaw nating mangyari sa susunod na anim na taon.” Kaya naman dapat samantalahin nila ang maaaring matutunan sa Unibersidad, lalo na sa edukasyong pangkasarian upang mamulat at magbigay ng bagong perspektiba sa pagtanaw sa mga tao at pangyayari. Hindi lamang tanaw kundi may aksyon — pagpapanibago ng ugali, gawi, at pagkilos.