Matagumpay na idinaos ng General Education Center ang ika-pitong LINANGAN webinar, Teach Talk: How to teach and manage your Gen Z class (Wika, Kultura, at Lipunan Edition) nitong ika-22 ng Abril 2022. Sa webinar na ito, tinalakay ang mga pamamaraan sa pagtuturo ng Filipino 40: Wika, Kultura, at Lipunan (Fil 40), isang GE course sa UP Diliman.
Kasama sa webinar na ito ang mga guro mula sa UPD Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Sina Propesor Jovy Peregrino, Ph.D., at Kawaksing Propesor Jayson Petras, Ph.D. ang mga naging tagapagsalita, samantalang si Kawaksing Propesor Gerard Concepcion, Ph.D. ang naging tagapagpadaloy ng webinar.
Ibinahagi ni Prop. Peregrino ang kanyang mga karanasan, paksa, at paraan ng pagtuturo ng Fil 40 sa remote learning mode. Sinimulan niya ang kanyang pagbabahagi sa layon ng kurso at kung paano ito tumutugon sa mga prinsipyong nailatag sa UP GE Framework, katulad ng pagiging makatao at makabayan. Para sa kanya, ang pag-alam ay hindi parehas sa pagkatuto. Bagkus, isang proseso ang pagkatuto kung saan ang mga nabasa o napanood ng isang estudyante ay dapat nasusundan ng pag-alam, pagbibigay reaksyon at pagsusuri, at higit sa lahat, pagbibigay resolusyon batay sa bagong kaalamang nakuha. Ang ganitong proseso ng pagkatuto, ani ni Prop. Peregrino, ay lapit-tambalang labas-loob-lalim kung saan ang pagkatuto ay dapat tumungo sa pagkilos ng estudyante. Sa huli, hinimok niya ang mga dumalo na huwag lamang panatilihin ang mga natutunan sa antas pang-akademya, kundi dapat ay mapasaloob at mapalalim upang magamit sa paglago ng sarili at ng bayan.
Ibinahagi naman ni Katuwang na Propesor Petras ang kanyang mga naging estratehiya sa paghahanda, pagpapadaloy, at pag-unawa ng massive open online course (MOOC) na Wika, Kultura, at Lipunan ng UPOU; kursong Wika 1 ng UPOU; at, kursong Fil 40 ng UPD sa remote learning mode. Sa kanyang pagbabahagi, kinumpara niya ang mga metodolohiya at nilalaman ng bawat kurso. Binigyang-diin niya ang nilalaman at paraan ng pagtuturo sa bawat kurso upang maunawaan ng mga dumalo ang pagkakaiba ng MOOC sa open and distant e-learning (ODeL) ng UPOU at remote learning mode na may hawig sa isa’t-isa. Nagbigay siya ng iba’t-ibang uri ng gawain para masapul ng mga gurong dumalo ang pagtuturo nila sa panahon ng distance education (DE). Bilang panghuli, binigyan ni Kat. Prop. Petras ang mga dumalo ng ilang paalala katulad ng pagtitimbang ng bilang at bigat ng mga kahingian at pagtatakda ng oras ng pahinga.
Binuksan ang malayang talakayan na pinadaloy ni Kaw. Prop. Concepcion pagkatapos ng mga bahaginan ng mga tagapagsalita. Ilan sa mga tanong na pinaunlakan ay ang mga paboritong estratehiya at paraan ng ebalwasyon ng dalawang tagapagsalita. Natanong din sa talakayan kung papaano sasanayin ang mga estudyanteng matuto ng wikang Filipino. Para kay Kat. Prop. Petras, dapat gumawa ang mga guro ng mga aktibidad na malapit sa mga isyung panlipunan at pang-araw-araw na alalahanin ng mga estudyante. Para naman kay Prop. Peregrino, dapat tingnan na importante at hindi hiwalay sa ibang disiplina ang pag-aaral ng wikang Filipino dahil ito ang lunsaran sa pagkilala ng sarili at ng lipunan. Ani rin niya, ang wikang Filipino ay dapat tingnan na hindi lamang binubuo ng isang wika. Sa halip, dapat isipin ng mga guro ang prinsipyong unity in diversity sa pagtuturo kung saan pinahahalagahan ang mga pagkakahawig ng iba’t-ibang wika sa Pilipinas at itinatampok din ang kanilang pagkakaiba. Bilang pangwakas, binigyang diin niya na ang kursong Fil 40 ay bakuna laban sa sistematiko at institusyonal na problema ng lipunang Filipino, tulad ng cultural illiteracy at cultural amnesia.
Ang LINANGAN webinar na ito ay idinaos sa Zoom at pinalabas sa YouTube at Facebook Live. Sa mga hindi nakasubaybay, maaaring mapanood ito muli sa YouTube channel at Facebook page ng GEC. Maaari na ring magpa-rehistro sa ika-walong LINANGAN webinar na Teach Talk (The Contemporary World Edition).